Friday, December 26, 2014

Ang Pagkakatipon ng mga Kasapi sa Paglathala ng Periyodiko (Maikling Bersyon)

Maikling Talâ: Ang tulang ito na may anyong malayang taludturan (free verse) ay isang repleksyón ng may-akdâ sa dinaluhan niyang pagkakatipon at piging ng mga miyembro ng isang publikasyon sa Kapisanan ng mga Inhinyerong Kimika sa Unibersidad ng Santo Tomás. Ang nasabing pagkakatipon (at kainan) ay ginanap noong 6 Oktubre 2014 (Lunes). Ang tulang ito ay kasama rin sa “Writings Concerning Miscellaneous Things” (Mga Sulat Ukol sa Samu't Saring Mga Bagay) na isang antolohiya ng mga tulang mabilisang isinulat ng may-akda. Ang tulang ito ay natapos noong 21 Disyembre 2014, samantalang ang pinaikling bersyon ay natapos nang ika-27 ng Disyembre 2014.




Kami’y nagtipon kami ay nagpulong
sa mataas na dako ng lungsod
sa silangan ng Lungsod ng Maynila
sa maraming hapag na maginhawa

Pahayaga'y pinaghandaan namin
upang sa paglimbag ‘di na malinsad
upang ikalugod ng mga propesor
sa darating na semestre’y ililimbag.

Abenida Komonwelt naging tagpuan
naghintayan hanggang sa maipon
mga kasapi’t patnugot ng diyaryo
nagsidatingan mga bandang hapon.

Mainit panahon kahit Oktubre na
kami’y naglakad tungo sa sakayan
upang pumaroon sa unang lugar
payak na piging aming inihanda.

At nagkar’on ng masayang usapan
dahil minsan lang kami magkatipon
Ito siya’y pinakapuno’t dulo
ang pagganyak namin sa pagsulat.

At nang sisilong na ang araw
sa kagiliran ng kalangitan
kami’y tumungo sa bahay-sorbetes
na ang produkto’y may nitroheno.

Pagkatapos ay aming idineklara
tapos na ang piging pwede nang umuwi
Nagkaniya-kanyang biyahe pauwi
nahati sa dalawang pangkat kami.

Nang gabing yaon ay aming nabatid
lahat nakauwi payapa’t ligtas
nagpasalamat sa Poong Maykapal
kami’y iningatan dininig ang dasal.

No comments:

Post a Comment